Kinikilala ng Disability Rights Washington (Mga Karapatan sa Kapansanan sa Washington) ang epekto ng karahasang bunga ng rasismo laban sa komunidad ng mga Asian American sa kasaysayan at sa mga kamakailang kaganapan. Noong nakaraang linggo sa ika-16 ng Marso, walong tao ang napatay sa tatlong magkakahiwalay na spa sa North Georgia. Anim sa mga taong napatay ay mga Asian, at lima sa kanila ay babae.
Hindi maihihiwalay ang kilusan para sa mga karapatan sa kapansanan mula sa mga kilusan para sa mga karapatan ng tao para sa pagkakapantay-pantay ng lahi, ekonomiya, at kasarian. Ang aming gawain ay nakaugat sa matibay na paniniwalang karapatan ng lahat ng tao ang respeto, dignidad, at pagpapasya para sa sarili.
Gusto naming iparinig at ibahagi ang mensaheng inilabas ng Asian Americans Advancing Justice-Atlanta (Mga Asian American na Nagsusulong ng Katarungan-Atlanta) noong nakaraang linggo upang ipakita ang pakikiisa sa mga komunidad ng AAPI. Naniniwala tayo na ang kanilang mensahe ay naaangkop hindi lamang sa Georgia, kundi sa buong bansa, kabilang ang ating sariling estado. Hangga’t tumatagos ang rasismo sa mga sistema at institusyon na bumubuo sa Amerika, magkukulang tayo sa mga layunin ng pagkakaiba-iba, pagkakapantay-pantay, at pagtanggap na pinagsisikapan natin at patuloy na masasaktan at mapapatay ang mga tao dahil sa mga aksyong bunga ng rasismo. Tingnan ang mensahe sa ibaba.
““Nalulungkot kami sa mga aksyon ng karahasan na ito. Anim na babaeng Asian ang namatay. Ngayon na ang panahon upang damayan ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya sa ating mga puso at sa ating liwanag. Nananawagan kami sa aming mga kaalyado sa lahat ng komunidad na may iba’t ibang kulay upang manindigan kasama namin sa pagdadalamhati at pakikiisa laban sa karahasang bunga ng rasismo sa lahat ng anyo nito. Kapag pinupuntirya ang mga pinakamahihinang miyembro ng ating komunidad, kailangan nating magbuklod,”” ang pagbabahagi ni Stephanie Cho, Ehekutibong Direktor ng Asian Americans Advancing Justice-Atlanta.
Bagama’t lumilitaw pa lang ang mga detalye ng pamamaril, hindi puwedeng isantabi ang mas malawak na konteksto. Naganap ang pamamaril sa ilalim ng trauma ng tumitinding karahasan laban sa mga Asian American sa buong bansa, na ginagatungan ng pangingibabaw ng mga puti at laganap na rasismo. Habang nakahabi ang karahasan kontra Asian sa kasaysayan ng ating bansa, ang walang humpay na paninisi ng administrasyong Trump sa mga Asian para sa patuloy na pandemya ng COVID-19 ay nakapagpataas ng mga insidente ng pagkamuhi at karahasan laban sa mga Asian American sa buong bansa. Ayon sa pinakabagong data, tumaas nang halos 150% noong 2020 ang mga insidente ng pagkamuhi na pumupuntirya sa mga Asian American, at dalawang beses na mas malamang na mapuntirya ang mga babaeng Asian American. Nakatanggap ang Stop AAPI Hate (Itigil ang Pagkamuhi sa AAPI) ng 3,800 ulat ng pagkamuhi sa mga Asian magmula noong Marso 2020 hanggang Pebrero 2021, na may 35% ng nandidiskriminang aksyon na nagaganap sa mga negosyo at dalawang beses na mas madalas na nag-uulat ang mga babae ng mga insidente ng pagkamuhi kumpara sa mga lalaki.
“Ang katotohanan na ang mga pinatay [noong nakaraang linggo] na babaeng Asian ay nagtatrabaho sa lubhang mahina at mababang-sahod na mga trabaho sa panahon ng patuloy na pandemya ay nagpapahiwatig ng naiipong epekto ng pagkamuhi sa mga babae, karahasang nauugnay sa istruktura, at pangingibabaw ng mga puti,” sabi ni Phi Nguyen, ang Direktor ng Litigasyon sa Asian American Advancing Justice – Atlanta.
Sa Georgia, gaya sa maraming estado sa buong bansa, ang laganap na pagbawi ng tulong pinansiyal mula sa at pagsasakriminal sa mga komunidad na binubuo ng iba’t ibang kulay ay nangangahulugan na wala tayong imprastruktura o pamamaraan para sa mabisang kaligtasan ng komunidad, isang matibay na proteksiyong panlipunan, at suportang nasa wika. Dagdag pa, minamaliit ng pangingibabaw ng mga puti ang mga buhay at karanasan ng mga komunidad ng imigrante, mga komunidad ng Black, at iba pang mga komunidad na binubuo ng iba’t ibang kulay habang pinatitindi ang xenophobia o pagkapoot sa mga dayuhan at pagkakahati-hati natin. Sa panahon na nagtatayo sana tayo ng mga tulay ng pagkakaunawaan at suporta, patuloy na pinahihina ng pangingibabaw ng mga puti ang watak-watak nang lipunan natin.
Sa panahong ito ng krisis para sa ating komunidad ng AAPI, nananawagan tayo sa ating pamahalaang lokal at estado na magbigay ng matibay at mapagtugon na pamamaraan ng pamamagitan sa krisis, kabilang ang suporta na nasa wika para sa mga serbisyo sa kalusugan ng pag-iisip, legal, trabaho, at imigrasyon. Panahon na para mamuhunan ang Georgia sa nagpapabagong katarungan na nagsisimula sa pag-uusap sa pagitan ng iba’t ibang lahi at pagpapalakas ng komunidad na tumutugon sa mga ugat na sanhi ng karahasan at pagkamuhi.”
Mag-klik dito para tingnan ang press release sa kanilang website at pag-isipang iparinig ang kanilang mensahe sa social media (FB, Twitter, at IG).